Connect the Dots o Kung Paano Ko Kinulayan ang Aking Buhay ni Genaro Gojo R. Cruz

Connect the Dots o Kung Paano Ko Kinulayan ang Aking BuhayConnect the Dots o Kung Paano Ko Kinulayan ang Aking Buhay by Genaro R. Gojo Cruz

Format: Paperback, 295 pages
Published by Anvil Publishing, Inc.
Read on September 15, 2014
My rating: ★★★★

Netong mga nakaraang taon bilang isang mambabasa ay nakahiligan kong magbasa ng mga memoir mga awtor, lalo na ng mga Pilipinong manunulat. Labis talaga akong humahanga sa mga Pilipinong manunulat, nakaka-inspire ang kanilang mga tagumpay at mga naabot sa buhay; ngunit sa pagbabasa ng kanilang memoirs ay napagtatanto kong tunay na tao rin nga pala sila, na bago maabot ang mga tagumpay ay marami munang naranasang pagsubok at hamon.

Ang Connect the Dots o Kung Paano Ko Kinulayaan ang Aking Buhay ay koleksyon ng mga sanaysay ni Genero R. Gojo Cruz tungkol sa kanyang buhay. Karamihan dito ay mga alaala ng kanyang pagkabata, ngunit mayroon ding mga sanaysay tungkol sa kanyang maraming pagsusumikap upang makapagtapos sa pag-aaral. Bata pa lamang siya ay hindi na madali ang kanyang pinagdaanan sa buhay—nanggaling sa isang broken family, “bunsong napayabayaan”, nagsumikap na mapag-aral ang sarili mula elementarya hanggang kolehiyo, namulat sa kahirapan ng buhay—ngunit hindi naging hadlang ang mga bagay na ito sa pag -abot ng kanyang mga pangarap. Nakatutuwa rin na hindi naging dahilan ang kanyang mga hindi magagandang karanasan upang magalit sa mundo, bagkus ay nakita nya ang mga ito sa positibong paraan upang mas mapagbuti pa ang sarili at ang kalagayaan sa buhay.

10599643_10202688518989886_6628723377221451952_n

Kilala si Sir Gener sa pagsusulat ng mga kwentong-pambata, at nakapag-uwi na rin ng mga bigating parangal dahil sa mga ito. Naisip ko, marahil ay kaya siya naging magaling sa pagsulat sa mga kwentong-pagbata ay dahil halos hindi nya naranasan ang pagkabata. Hindi naging ideyal ang mga pangyayari sa kanyang buhay, nakakalungkot ang ilan sa kanyang mga pinagdaanan, at maraming pagsubok ang kanyang hinarap. Ngunit ginamit nya ang mga ito upang lalo pang magpursige at magsumikap. Marami man sa mga hamon na hinarap nya ay makapagdudurog sa ibang tao, nakita nya pa rin ang sarili nya bilang buo at matatag. Malamang ay maraming mga masalimuot na karanasan ang kanyang balikan sa pagsusulat ng mga sanaysay na ito, ngunit nakatutuwa sigurong balikan ang mga hamon na napagtagumpayan mo na at mapagmalaki sa sarili na nakaya mo ang mga pagsubok na dumating sa buhay.

Bilang isang mag-aaral din ng PNU (katulad ni awtor ng aklat na ito) at humaharap din sa mabibigat na hamon ng buhay, nakaka-inspire talaga na magbasa ng mga ganitong klase ng libro. Lubos ang paghanga ko sa mga manunulat na Pinoy, at ang pagbabasa sa mga akda nila ang nagbibigay sa’kin ng inspirasyon. Mahilig talaga akong magbasa ng lokal man o banyagang aklat, ngunit isa sa mga dahilan kung bakit tinatangkilik ko ang mga Pilipinong manunulat ay dahil mas “malapit” sila sa ating buhay, mas “totoong” tao; ang mga karanasan at ang mga akda nila ay kahawig ng sarili nating karanasan. Sa kasalukuyan ang nakikita natin sila bilang matatagumpay sa kanilang larangan at hinahangan ng mga tao; ngunit nakakapukaw ng damdamin ang isipin na marami silang napagdaanan na kagaya ng sa atin, na hindi rin naging madali ang pagtahak nila sa tagumpay, na marami ring balakid ang hinarap nila sa pag-abot ng kanilang mga pangarap. Ngunit hindi sila nawalan ng pag-asa, hindi sumuko kahit pa animo’y puro “dilim” ang naranasan, nagsumikap hanggang makamtam ang liwanag sa buhay.

Ang mga akdang katulad nito ang nagbibigay sa’kin ng insipirasyon. Ang pagbabasa ay nagbibigay sa’kin ng pag-asa na kung nakaya nila, malamang ay kaya ko rin.